Arestado ang caretaker ng isang bahay sa Pandacan, Maynila matapos madiskubre ang isang ‘drug den’ sa unang palapag ng apartment na ginagamit din bilang ‘community church’ ng isang Christian group. Ayon sa Fred Clipres para sa DZMM, natagpuan ang pugad ng ipinagbabawal na droga sa unang palapag ng isang bahay sa 1870 Guanzon Street sa Barangay 31, habang ang ikalawang palapag nito ay ginagamit din umanong sambahan ng isang grupong Kristiyano.
Naaresto sa raid ang caretaker na si Danilo Lanyohan matapos ang halos dalawang linggong pagmamanman ng mga operatiba ng Station Anti Illegal Drugs ng Manila Police District Station 10. Sa panayam ng DZMM kay Supt. Emerey Abating, team leader ng grupong nagsagawa ng raid, napag-alaman na isinasabay ni Lanyohan ang pagluluto ng shabu sa pagluluto naman ng mga Peking duck at lechon de leche na siyang negosyo ng may-ari ng bahay. “Medyo mailap (ang suspek) kasi kailangan kilala ka muna niya bago ka makapasok sa loob ng bahay,” ayon sa opisyal. Mariin namang itinanggi ni Lanyohan na pugad nga ng ilegal na droga ang nasabing tirahan. “Hindi po ito drug den, hindi naman po madalas na gumagamit dito,” anito.
Subalit iginiit ng isang opisyal ng barangay na marami silang nakikitang mga tao na labas-masok sa bahay tuwing gabi. Sumuko na rin umano dati si Lanyohan sa “Oplan Tokhang” at dalawang beses na itong dumalo sa programa ng barangay para sa mga ‘drug surrenderees’. Noong Agosto, isang drug den din ang nadiskubre ng mga awtoridad sa ilalim ng tulay sa Binondo; ilang metro lang ang layo sa isang Police Community Precinct (PCP) sa may Juan Luna Street. Ang pagkakatuklas sa naturang ‘drug den’ ay nauwi sa pagkakasibak sa puwesto ng hepe ng nasabing presinto.
DISCLAIMER: (NO COPYRIGHT INTENTIONS, FOR SUPPORT AND EDUCATIONAL PURPOSES ONLY) I do not own ANY of the soundtrack, property and rights for audio/ video go to the OWNER. If any content owners would like their images/video removed, Please Message me and I will do so. No copyright infringement intended. Copyright reserved to the respected owner(s) of this video and copyright parties.Thank you for being considerate.